Petron, Generika tangka ang finals

MANILA, Philippines - Nagkaroon ng sapat na pahinga matapos ang elimination rounds, pipilitin ng Petron at ng Generika na maitakda ang kanilang finals showdown sa pagsagupa sa magkahiwalay na laban sa ‘sudden-death’ semifinals ng 2014 Philippine Superliga Grand Prix na inihahandog ng Asics sa Cuneta Astrodome.

Sasagupain ng Blaze Boosters, nagtala ng 8-2 (wins-loss) record sa eliminasyon, ang Cignal HD Spikers ngayong alas-2 ng hapon, habang lalabanan ng Life Savers, naglista ng 7-3 kartada, ang RC Cola-Air Force Raiders sa alas-4 sa women’s division ng inter-club tournament na inorganisa ng Sports Core with Air21, My Phone, Via Mare, Mikasa, Mueller Sports Medicine, Healthway Medical, Generika Drugstore, LGR at Jinling Sports bilang technical partners.

Muling ibabandera ng Petron sina American import Alaina Bergsma at Brazilian sensation Erica Adachi na inaasahang tatapatan ng lakas ni American reinforcement Lindsay Stalzer sa panig ng Cignal.

“Our focus is now on the semifinals. We are planning to go there armed with a positive attitude and with well-rested bodies,” sabi ni coach George Pascua sa kanyang Blaze Spikers.

Sa ikalawang laro, muling aasa si Generika coach Benson Bocboc kina team captain Cha Cruz, Aby Maraño at Stephanie Mercado katuwang si Russian hitter Natalia Korobkova.

Sa men’s division, target ng PLDT Telpad-Air Force na mapanatiling suot ang korona sa pagharap sa Cignal sa championship battle sa alas-6 ng gabi.

 

Show comments