Grizzlies ‘di matinag

LOS ANGELES -- Iniisip ni Mike Conley na nasa itaas ng NBA standings ang Memphis Grizzlies dahil sa kanilang magandang inilalaro at angking determinasyon sinuman ang kanilang harapin maging ito ay title contenders o ang Los Angeles Lakers.

Humakot si Marc Gasol ng 19 points at 11 rebounds, habang nagdagdag si Conley ng 19 points para pangunahan ang Grizzlies sa 99-93 paggupo sa Lakers.

Ito ang pang-pitong panalo ng Memphis sa kanilang huling 8-laro.

Nag-ambag si Zach Randolph ng 16 para sa Grizzlies, umangat sa 13-2 para makadikit sa Toronto Raptors sa overall standings.

Ngunit kinailangan ng Memphis na malampasan ang ginawang pagbibida ni Kobe Bryant para sa Lakers na nakalapit hanggang sa dulo ng fourth quarter.

Sa Charlotte, umiskor si Wesley Matthews ng season-high na 28 points para banderahan ang Portland sa 105-97 panalo laban sa Charlotte para sa kanilang pang-siyam na sunod na arangkada.

Sa Atlanta, kumamada si DeRozan ng 27 points, habang may 22 si Lou Williams para pamunuan ang Toronto Raptors sa 126-115 paggupo sa Atlanta Hawks.

Ito ang ikaanim na dikit na panalo ng Raptors.

Nagtala ang Eastern Conference-leading na Raptors ng kanilang pinakamataas na point total sa season.

Naipanalo nila ang 11 sa kanilang 12 laro para pantayan ang arangkada ng prangkisa sa kanilang 20-year history na huling nangyari noong March 22-April 14, 2002.

Tumipa si Jeff Teague ng 24 points at 12 assists sa panig ng Atlanta, habang may 23 points si Al Horford.

Sa Orlando, nagsalpak si Stephen Curry ng 28 points kasama ang anim na 3-pointers upang banderahan ang 111-96 panalo ng Golden State Warriors sa Orlando Magic.

Sa San Antonio, gumawa si Manu Ginobili ng 28 puntos para pangunahan ang nagdedepensang NBA champion San Antonio sa 106-100 panalo sa Indiana Pacers kahit wala ang kanilang coach na si Gregg Popovich.

Si  Ettore Messina, ang assistant ni Popovich na sumailalim sa ‘minor medical procedure’, ang siyang humawak sa koponan.

Lumabas ang dating gilas ni Ginobili sa se-cond half na kung saan ibinagsak niya ang 21 puntos.

 

Show comments