Hapee nanalo kahit kulang sa tao
MANILA, Philippines - Hindi naging hadlang ang pagkakaroon lamang ng walong manlalaro ng Hapee Fresh Fighters dahil ang lahat ay nagtulung-tulong para kunin ang ikalimang sunod na panalo sa laban kontra sa Cebuana Lhuillier Gems, 72-66 sa PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa TIP Gym sa P. Casal, Manila.
Si Bobby Ray Parks Jr. ay nagtala ng 23 puntos at siyang sinandalan ng koponan para iwanan ang Gems sa kaagahan ng labanan.
Ngunit sa puntong dumikit ang Gems sa dalawa, 68-66, si Garvo Lanete ang siyang nanguna sa Fresh Fighters para makuha ang panalo at iwanan ang da-ting kasalo sa liderato na Cagayan Valley Rising Suns sa 4-0 baraha.
Bumangon agad ang Café France Bakers sa paglasap ng unang pagkatalo sa pamamagitan ng 69-59 panalo sa Tanduay Light Rhum Masters sa ikalawang laro.
Sina Maverick Ahanmisi, Rodrigue Ebondo at Bong Galanza ang nagkapit-bisig sa pinakawalang 12-3 atake upang ang anim na puntos na kalamangan ay lumobo sa 15, 34-19 sa pagtatapos ng halftime.
Mula rito ay hindi na pinabayaan pa ng Bakers na makabalik pa ang Rhum Masters para umangat sa 4-1 at ibaba ang katunggali sa 1-4 baraha.
Walo sa 12 puntos ni Lanete ang ginawa niya sa hu-ling 10 minuto at tampok rito ang dalawang free throws sa huling 10 segundo na nagbigay ng 70-66 kalamangan.
Kinumpleto ni Lanete ang pagbibida sa endgame nang umani ng lay-up mula sa inbound error ng Gems na natalo sa ikatlong pagkakataon matapos ang 5-laro.
Ang anim na iba pang manlalaro ay umiskor din para maisantabi ang di paglalaro ng San Beda players sa pangunguna nina Ola Adeogun, Baser Amer at Arthur dela Cruz na kumakampanya pa sa finals ng Philippine Collegiate Champions League.
“Nagsabi ang mga players na lalaban sila at pilit na pananatilihin ang winning streak. Kaya ipinagmamalaki ko sila,” ani Hapee coach Ronnie Magsanoc.
- Latest