MANILA, Philippines – Nakita sa nakaraang tatlong sunod na panalo ng nagdedepensang Purefoods ang kanilang pamatay na porma na nagbigay sa kanila ng apat na sunod na kampeonato, kasama ang Grand Slam, sa nakaraang season.
Isa sa mga dahilan ng pagbangon ng Hotshots sa 2014-2015 PBA Philippine Cup mula sa 1-3 panimula ay si scoring guard Peter June Simon.
Sa pagtutok ng kalaban kina two-time PBA Most Valuable Player James Yap at power forward Marc Pingris ay nakalimutan nila si Simon.
Umiskor ang six-foot guard mula sa Makilala, North Cotabato ng 10 sa kanyang 18 points sa ratsada ng Purefoods sa third period para talunin ang Blackwater, 90-82, noong nakaraang Martes.
Muling umiskor si Simon ng 18 markers sa 77-74 pagtakas ng Hotshots sa Meralco Bolts noong Linggo sa Biñan, Laguna. Sapat na ito para kilalanin siya bilang Accel-PBA Player of the Week.
“Iyon ang magandang nangyari ngayon, bumalik na kami sa dating kami na ipapakita pa rin naming hungry kami at dedepensa kami,” wika ni Simon, tinalo para sa nasabing weekly citation si San Miguel Beer slotman June Mar Fajardo.
Kumpiyansa si Simon na maitutuloy ng Purefoods ang mainit nilang pagbabalik para makapasok sa playoffs.
Nakatakdang labanan ng Hotshots ang Kia Sorento bukas kung saan inaasahang magbabalik sa aksyon si playing coach Manny Pacquiao. (RC)