‘Al-groggy’ kay Manny 6 beses bumagsak

MACAU – Sa pagkakataong ito, hindi kinailangan ni Manny Pacquiao na umiskor ng knockout para ipaalala sa mundo kung gaano siya kabangis at kung gaano siya kahanda para labanan ang sinuman sa loob ng boxing ring.  Kahit sino, kabilang si Floyd Mayweather Jr.

Ang kailangan lang ni Pacquiao ay pabagsakin si Chris Algieri ng anim na beses sa harap ng crowd na dinomina ng mga Pinoy sa Cotai Arena sa The Venetian dito para iparating ang kanyang mensahe.

“I want that fight. The public deserves that fight. It’s time to step up and say yes,” sabi ni Pacquiao tungkol sa ‘di matuluy-tuloy na Mayweather fight.

Ang unang knockdown na parang nadulas lamang si Algieri ay nangyari sa second round ngunit ang mga sumunod, dalawang beses sa sixth at ninth at isa pa sa 10th ay talagang napabagsak na siya.

Gumulong si Algieri papunta sa kanyang corner sa ninth matapos tumanggap ng left straight kay Pacquiao. Sa10th, isang combination ang nagpabagsak kay Algieri sa huling pagkakataon.

Tinangka ni Pacquiao ang knockout na matagal nang hindi nakikita sa kanya ng mga fans ngunit lagi niyang hinahabol ang 5-foot-10 na si Algieri na hindi niya mahuli-huli dahil sa bilis nitong tumakbo.

Umiiwas si Algieri na makipagsuntukan at sa tuwing aabutin siya ay bumabagsak ito.

Iniskoran ng tatlong judges ang laban sa 119-103, 119-103, 120-102 para kay Pacquiao na matagumpay na naidepensa ang kanyang WBO welterweight title.

Ikatlong sunod na panalo ito ng  dating pound-for-pound champion mula sa Sarangani sa Mindanao matapos ang dalawang talo noong 2012.

Nalasap ni Algieri ang kanyang unang talo sa 21 fights bilang boxer. 

Matapos ihayag ang decision nagtungo si Pacquiao sa neutral corner, lumuhod at nagdasal bago umakyat sa ring post at pinasalamatan ang mga fans.

Si Mommy D ay umakyat sa ring na may hawak na rosary. Sa sobrang pagka-excited niya, nadulas pero nakatayo agad.

Show comments