Petecio tumiyak ng bronze sa World Championships

JEJU, Island, South Korea – Umabante si Nesthy Pe­tecio sa medal round matapos kunin ang kanyang ikaapat na sunod na panalo sa 2014 AIBA Women’s World Championships.

Tinalo ni Petecio si Lu Qiong ng China matapos ma­kakuha ng magkakatulad na 40-36 iskor sa tatlong judges mula sa England, Romania at Ukraine para ma­katiyak ng bronze medal.

Ang susunod na makakasagupa ni Petecio ay si Tia­ra Brown ng United States.

Kung mananalo siya sa mas matangkad na si Brown ay lalaban ang tubong Davao del Sur para sa gold medal bukas.

“Matagal ko nang inasam-asam ito at marami na rin akong sakripisyo. Sana magbunga kung bibigyan tayo ng suwerte,” sabi ni Petecio.

Nakasuntok na si Petecio ng gold medal sa 2012 China Open at dalawang silver medals sa 2011 at 2013 Southeast Asian Games sa Indonesia at Myanmar, ayon sa pagkakasunod.

Show comments