MANILA, Philippines – Natuto na ng kanilang leksyon ang Aces. Nang magposte ang Alaska ng 14-point lead sa fourth quarter ay hindi na nila hinayaang makawala sa kanila ang panalo.
Nakakuha ng 19 points kay Calvin Abueva at 14 kay JVee Casio, bumalikwas ang Aces mula sa kanilang unang pagkatalo matapos gibain ang Globalport Batang Pier, 87-84, sa 2014-2015 PBA Philippine Cup kagabi sa Xavier University Gym sa Cagayan De Oro City.
Ang pang-pitong panalo ng Alaska ang nagpatibay sa kanilang tsansang masikwat ang isa sa dalawang outright semifinals berth.
Naiwanan ng Batang Pier sa first half, 33-37, inagaw ng Aces ang unahan sa pagtatapos ng third period, 66-60, bago kunin ang 14-point advantage, 75-61, sa 8:40 minuto ng final canto.
Naghulog ang Globalport ng 14-5 bomba para makadikit sa Alaska sa 84-87 sa huling 2:11 minuto.
Parehong hindi nakaiskor ang dalawang koponan hanggang sa pagtunog ng final buzzer.
Nagdagdag sina Cyrus Baguio at Sonny Thoss ng tig-10 points para sa Aces.
Alaska 87 – Abueva 19, Casio 14, Baguio 10, Thoss 10, Jazul 8, Menk 7, Manuel 6, Banchero 4, Exciminiano 4, Hontiveros 3, Dela Rosa 2, Eman 0, Dela Cruz 0.
Globalport 84 – Romeo 26, Pringle 15, Cabagnot 15, Isip 12, De Ocampo 6, Buenafe 5, Ponferrada 3, Jensen 2, Taha 0, Pinto 0, Cabrera 0, Baclao 0.
Quarterscores: 15-22; 33-37; 66-60; 87-84.