Silver at bronze sinargo ng mga Jr. pool players

MANILA, Philippines - Minalas si Jeffrey Roda sa huling rack para maisuko ang 7-8 pagkatalo kay Kong De-Jing ng China para sa boys U17 title sa World Junior Pool Championships na ginawa sa Shanghai, China kamakailan.

Ang 15-anyos na Palarong Pambansa champion na nakasali sa kompetisyon nang kumuha ng bronze medal sa Asian Junior Pool Championships sa Chinese Taipei noong Agosto ay nakatabla sa 7-all sa race-to-eight finals.

Si Cheska Centeno na nagkampeon sa Asian Championships ay naglaro sa kababaihan pero nakontento siya sa bronze medal nang matalo sa nagdedepensang kampeon mula sa Belgium na si Kamila Kohd-Jaeva, 5-9.

Bigo naman si Kohd-Jaeva sa final round nang matalo kay Liu Yu Chen ng China, 9-3.

Natuwa si BSCP president Arturo Ilagan sa ipinakita ng dalawang batang pool players dahil senyales ito na may makakapalit na ang mga kasalukuyang pambato ng bansa tulad nina Dennis Orcollo at Rubilen Amit.

Kasabay nito ang pagpapadala ng apat na manlalaro para sumali sa World Snooker Championship sa India nitong  Nobyembre 18 hanggang 28.

Ang mga panlaban ay sina Michael Angelo Mengorio, Alvin Barbero, Denice Santos at Flor Andal at hahawak sila ng foreign coach mula India na si Jairaj Sander.

 

Show comments