PHUKET, Thailand—Kumopo si windsurfer Geylord Coveta ng gold sa kanyang paboritong event sa 4th Asian Beach Games dito.
Nagtala si Coveta ng 14 points matapos ang walong races tampok ang kanyang panalo sa final lap ng men’s RS:One event sa Karon Central Beach upang ibigay ang ikatlong gold medal sa Team Philippines.
Bumawi ang world champion mula sa Mabini, Batangas sa sixth-place finish sa Incheon Asian Games kung saan lumaban ito sa men’s mistral imbes sa kanyang paboritong event.
Lumikom naman si Natthaphong Phonoppharat ng Thailand ng 19 points para sa silver habang ang Chinese na si Li Tao ang third placer sa kanyang 20 points.
Si Yancy Kaibigan, nagsanay kasama si Coveta sa Anilao, Batangas ay tumapos bilang 7th sa 12 na nag-laban sa kanyang 41 points.
Matapos pumanglima sa opening race, nanguna si Coveta sa tatlong karera at pumangalawa ng tatlong beses para talunin sina Phonoppharat at Li sa pababaan ng score.
Bunga nito, umakyat ang Philippines sa 11th overall mula sa 13th sa nalikom na tatlong gold medals, isang silver at apat na bronzes.