MANILA, Philippines – Dalawang panukala ang pag-aaralan ng UAAP para mapaghandaan ang epekto sa liga kapag tuluyan nang gumulong ang K12 program sa edukasyon ng bansa.
Ayon kay UAAP secretary-treasurer Rod Roque na bumisita sa PSA Forum sa Shakey’s Malate kahapon, nagpulong ang special committee na binubuo ng tig-isang kinatawan mula sa walong miyembrong paaralan noong Nobyembre 6 at may nakahanda nang proposal na ipapakita sa UAAP board na magpupulong ngayon.
Kumilos ang UAAP dahil ang tuluyang implementasyon ng K12 program na mararamdaman dalawang taon mula ngayon at kakikitaan ng kawalan ng mga manlalaro na nasa una at dalawang taon sa high school at college dahil sa pagdagdag ng isang taon sa elementary at dalawang taon sa high school.
“Mga 5 to 6 years pa bago bumalik sa normal ang lahat kaya para mapaghandaan ito, may proposal ang body na gawing six years ang playing years ng ibang manlalaro para masakop ang mga Grade 7 hanggang Grade 12. Isa pang proposal ay bigyan ng laya ang mga papasok sa Grade 12 na mamili kung sa high school o sa college ba sila maglalaro,” wika ni Roque.
Kasabay nito ay inihayag din ng opisyal mula sa host UE na ang Season 78 na iho-host ng UP ay posibleng mabukas sa ikalawang linggo ng Agosto dahil ito na ang pagbubukas ng klase ng State University.
Nakikita ni Roque na walang tututol sa bagong pagbubukas ng liga sa Board dahil ang Ateneo, La Salle, UST at FEU ay kasama sa mga magbabago ng kanilang school calendar. (AT)