JEJU ISLAND, South Korea – Binuksan ni Nesthy Petecio ng Davao del Sur ang kampanya ng Pilipinas sa AIBA World Women’s Championships sa pamamagitan ng unanimous decision win laban kay veteran Lianna Strandell ng Sweden.
Mula sa paggamit ng kanyang kanan ay lumipat sa pagiging southpaw ang 23-anyos na si Petecio para lituhin si Strandell, nagtala ng 101 bouts sa kanyang boxing career.
“Mahirap din patamaan kasi magalaw ang ulo at sugod nang sugod, pero inabangan ko na lang at pumasok naman ‘yong mga uppercut at cross ko,” sabi ni Petecio.
Susunod na makakasagupa ni Petecio ang Algerian boxer na si Manel Meharzi na nakakuha ng bye sa first round ng preliminaries.
Samantala, lalabanan ni Irish Magno ng Iloilo si Italian Terry Gordino, ang silver medalist sa 2012 World Championships sa Qinhuangdao, China.
Nakakuha naman ng bye si light flyweight champion Josie Gabuco ng Palawan at makakasagupa sa second round si Pin Meng Chieh ng Chinese-Taipei.
Kabuuang 280 boxers mula sa 67 bansa ang kalahok sa torneo.