MANILA, Philippines – Naipakita ng kabayong Hook Shot ang galing nang pagharian ang 4th leg ng 2014 Philracom Juvenile Fillies stakes noong Sabado sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Si EP Nahilat ang sakay sa dalawang taong gulang na kabayo na pag-aari ni Joseph Dyhengco at naisantabi ng tambalan ang mahinang pag-alis gamit ang nagbabagang pagtatapos sa isang milyang karera.
Halagang P900,000.00 mula sa P1.5 milyon na isinama ng nagtaguyod ng karera na Philippine Racing Commission (Philracom) ang napanalunan ni Dyhengco at lalabas na isa sa magiging paborito kung isasali ang kabayong anak ng Hook And Ladder sa Local Rules sa Juvenile Championship sa
Disyembre.
Ang Leona Lolita na ginabayan ni Jeff Zarate ang napaboran sa pitong naglaban pero naubos ito at nalagay lamang sa ikaapat na puwesto.
Sa pagbukas ng aparato ay lumabas agad ang Epic bago sumunod ang Leona Lolita habang nasa ikalima lamang ang Hook Shot.
Pagpasok ng huling 600-metro ng karera ay gumana na ang Hook Shot na
pumangalawa sa 1st leg ng karera at kabalikatan na ang Leona Lolita.
Pero pagsapit sa rekta ay kinargahan pa ni Nahilat ang kabayo para bumulusok na ito tungo sa halos pitong dipang agwat sa meta.
Si Nahilat ang ikaapat na hinete na sumakay sa Hook Shot sa huling apat na takbo at nahigitan niya ang pangatlong puwestong pagtatapos na naipagkaloob ni Pat Dilema noong Oktubre 29.
Kasali si Dilema sa karera pero sinakyan nito ang Imcoming Imcoming.
Ang pumangalawa sa datingan ay ang Princess Meili na hawak ni Jonathan Hernandez bago sumunod na tumawid ang naunang nabugaw na Bungangera sa pagdadala ni Jeff Bacaycay.
Gantimpalang P337,500.00, P187,500.00 at P75,000.00 ang napasakamay ng mga may-ari ng mga kabayong kumumpleto sa datingan.
Dehado pa ang Hook Shot para makapaghatid ng P51.50 sa win habang nasa P233.50 ang ibinigay sa 6-5 forecast. (AT)