3 horse owners kumita na ng P10M+

MANILA, Philippines – Tatlong horse owners na ang kumita ng mahigit P10 milyon upang  ipa­lagay na ang 2014 ang taon na mahigpitang paglalabanan ng pinakamahusay na may-ari ng kabayo.

Nangunguna pa rin si Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos pero naghihintay lamang ng tiyempo sina Patrick Uy at Aristeo Puyat para maagaw ang unang puwesto.

Dahil sa husay ng mga kabayong  Malaya, Hagdang Bato at Kanlaon, si Abalos ay nakalikom na ng P10,922,982.21 premyo kahit may 42 panalo lamang bukod pa sa 41 segundo, 24 tersero at 14 kuwarto puwestong pagtatapos.

Dinaig niya si Uy na siyang may pinakamaraming panalo sa mga horse owners tangan ang 82 tagumpay. Isama pa ang 44 segundo, 45 tersero at 60 kuwarto puwesto para sa nalikom na P10,580,040.64 premyo.

Hindi naman nagpapadehado ang mga panlaban ni Puyat na kuma­big na ng P10,488,672.89 premyo mula sa pumapangala­wang 71 panalo, 63 segundo, 79 tersero at 62 kuwarto puwestong pagtatapos.

Ngunit hindi lamang ang tatlong nabanggit na horse owners ang inaasahang papasok sa P10 million  mark dahil apat pang horse owners ang kumabig na ng mahigit siyam na milyong piso matapos ang buwan ng Oktubre.

Ang mga ito ay ang Santa Clara Stockfarm, Atty. Norberto Morales, Mayor Ramon Dima­cuha at Jade Bros. Farm.

Tiyak na ang pagpasok ng SC Stockfarm sa P10 milyon sa pagtatapos ng buwan ng Nobyembre dahil mayroon na itong kinitang P9,944,610.76 mula sa 56-39-51-25 una hanggang ikaapat na puwes­tong pagtatapos.

Si Morales ay may P9,680,396.69 mula sa 60-72-67-60 karta habang si Dimacuha ay may kinabig ng P9,206,117.53 mula sa 58-40-28-27 karta. Ang Jade Bros. Farm ay may P9,191,140.83 kita mula sa 62-54-44-49 una hanggang ikaapat na puwestong pagtatapos.

Ang makailang-ulit na kinilala bilang Horse Owner of the Year na si Hermie Esguerra ay nasa ikawalong puwesto ta­ngan ang P7,002,628.75 (45-24-18-6) bago sinundan ni Tony Tan Jr. na may P6,532,288.36 (28-29-20-32) at si Leonardo ‘Sandy’  Javier Jr. ang nasa ika-sampung puwesto bitbit ang P6,383,789.66 (37-27-32-32).

Tiyak na magbabago pa ang talaan lalo pa’t sa hu­ling dalawang buwan gagawin ang pinakamala­laking karerang inaaba­ngan. (AT)

Show comments