MANILA, Philippines – Patuloy ang kamalasan ng Pinoy kapag ang kompetisyon sa PartyPoker World Pool Masters ay ginagawa sa ibang bansa.
Hindi kinaya ni Dennis Orcollo ang galing ni snooker player Chris Melling ng England para isuko ang 6-8 pagkatalo sa unang laro noong Sabado ng gabi sa Portland Centre, Notthingham, England.
Ininda ni Orcollo, third seed sa 16 manlalaro na inimbitahan para paglabanan ang $20,000.00 unang gantimpala, ang masamang tumbok na muling lumabas sa huling dalawang racks para masayang ang pagbangon mula sa 2-6 iskor tungo sa 6-all matapos ang 12 racks.
Naisablay ng 2011 champion ang one-ball sa 13th rack bago nasundan ng scratch sa 14th rack upang mamaalam agad sa torneo.
Ang Pilipinas ay may tatlong World Pool Masters titles na napanalunan at si Francisco Bustamante ang bukod-tanging manlalaro ng bansa na nakada-lawang kampeonato na nangyari noong 1998 at 2001.
Pero lahat ng mga titulong napagwagian ay nangyari dahil sa Pilipinas isinagawa ang kompetisyon.
Ang nangyari kay Orcollo ay naganap din kay Efren ‘Bata’ Reyes noong nakaraang taon sa Barnsley, Great Britain dahil sa first round din siya namaalam kontra kay Mika Immonen ng Finland.
Nakauna si Orcollo sa race-to-8, nine-ball format na kompetisyon pero bumawi si Melling at kinuha ang sumunod na apat na racks para sa 4-1 kalamangan.
Nakapag-adjust naman ang Pinoy player habang nagtala ng mga mintis ang Englishman para makabawi si Orcollo at naipanalo ang lima sa sumunod na pitong racks tungo sa 6-6 pagtatabla. (AT)