MANILA, Philippines – Malaki ang tsansa ni Donnie ‘Ahas’ Nietes na malampasan ang record ni legendary boxer Gabriel ‘Flash’ Elorde sa pagiging boksingerong pinakamatagal na humawak ng korona sa kanyang weight division.
Matagumpay na naidepensa ni Nietes ang kanyang World Boxing Organization light flyweight crown makaraang pasukuin si Mexican challenger Carlos ‘Chapito’ Velarde sa seventh round sa main event ng Pinoy Pride XXVIII noong Sabado ng gabi sa Waterfront Hotel sa Cebu City.
Ang aksidenteng bang-gaan ng kanilang mga ulo sa round seven ang naging daan para itigil ang laban nina Nietes (34-1-0, 20 KOs) at Velarde (26-4-1, 14 KOs).
Pinalawig ng 32-anyos na tubong Murcia, Bacolod City ang kanyang pagiging kampeon sa loob ng pitong taon, isang buwan at 15 araw.
Maaaring lampasan ng Ilonggo ang Philippine record ni Elorde na pitong taon at tatlong buwan sa sandaling muli siyang lu-maban sa Pebrero ng 2015.
Inamin ni Nietes na nahirapan siya kay Velarde.
“Nahirapan ako sa kanya kasi palaging yumayakap. Mabuti na lang tumatama ang mga body hits ko,” sabi ni Nietes, hindi pa natatalo sapul nang makuha ang WBO belt noong 2007.
Naging agresibo si Velarde sa loob ng pitong round kung saan hindi niya nilubayan ng suntok si Nietes.
Subalit itinigil ang laban pagsapit ng round seven matapos ang banggaan ng ulo nina Nietes at Velarde kung saan naputukan ng kaliwang kilay ang Mexican.
Ang kampo mismo ni Velarde ang nagpahinto sa laban bago ang round eight bunga ng patuloy na pagdaloy ng dugo sa kanang kilay ng Mexican. (RC)