MANILA, Philippines – Mahusay na depensa ang ipinamalas ng RC Cola-Air Force Raiders at naging mainit sa kanilang mga atake upang pabagsakin ang powerhouse Petron, 25-20, 25-20, 16-25, 25-22 sa 2014 Philippine Superliga Grand Prix na handog ng Asics kahapon sa Cuneta Astrodome.
Pinangunahan ni import Emily Brown ang pag-atake ng Raiders habang umangat ang laro nina Joy Cases at Bonita Wise upang ipalasap sa Blaze Spikers ang unang talo sa women’s division ng inter-club tournament na inorganisa ng Sports Core katulong ang Air21, My Phone, Via Mare, Mikasa, Mueller Sports Medicine, Healthway Medical, Generika Drugstore, LGR at Jinling Sports bilang technical partners.
Nagdeliber si Brown ng 13 kills, dalawang blocks at dalawang aces para sa 17 points habang sina Cases at Wise ay may 14 at 13 points, ayon sa pagkakasunod para sa Raiders na maganda ang naging simula para sirain ang diskarte nina Alaina Bergsma, Dindin Santiago at Erica Adachi.
Ang panalo ng RC Cola-Air Force ay nagsulong sa kanila sa 4-3 win-loss card para sa ikalawang puwesto na two games ang layo sa Petron na nanatili sa liderato sa 6-1 karta papasok sa crucial phase ng double-round eliminations.
“I knew they will give their best against a strong team like Petron,” sabi ni RC Cola-Air Force coach Rhovyl Verayo na na-kabawi sa kanilang five-set loss sa kulelat na Foton noong Sabado. “This is a perfect bounce back for us.”
Nakalusot naman ang Generika sa Mane ‘N Tail, 25-22, 27-29, 25-18, 22-25, 15-12 sa second game.