Guiao na-eject na naman pero Rain or Shine nanalo pa rin
MANILA, Philippines – Maagang napatalsik si head coach Yeng Guiao sa laro dahil sa kanyang pagmumura sa mga referees sa pagsisimula ng second period.
Ngunit hindi ito naging problema ng Elasto Painters. Mas lalo pang naging mabagsik ang Rain or Shine sa pagkawala ni Guiao nang magposte ng 31-point lead sa pagtatapos ng third quarter patungo sa 107-79 dominasyon sa bumubulusok na Meralco sa 2014-2015 PBA Philippine Cup kagabi sa University of South Eastern Philippines sa Davao City.
Itinala ng Elasto Painters ang kanilang pangatlong sunod na panalo para masolo ang ikatlong puwesto, habang nalasap ng Bolts ang ikatlong dikit nilang kabiguan.
Nasibak si Guiao, kilalang temperemental sa laro sa 10:40 minuto ng second period kung saan angat ang Rain or Shine, 27-23 matapos makuha ang kanyang ikalawang sunod na technical foul.
Sinamantala ito ng Meralco sa pagdikit sa 28-29 mula sa three-point shot ni Mark Macapagal.
Ngunit bumalik sa porma ang Elasto Painters sa muling pagtatala ng 74-48 kalamangan sa hu-ling 4:52 ng third quarter.
At mula dito ay hindi na nakabangon pa ang Bolts ni Norman Black.
Umiskor si Paul Lee ng 20 points kasunod ang 16 ni Jeff Chan, 15 ni rookie Jericho Cruz, 14 ni Raymond Almazan, 11 ni Beau Belga at 10 ni TY Tang.
Samantala, pupuntiryahin ng Barangay Ginebra ang kanilang ikaapat na sunod na panalo sa pagsagupa sa San Miguel ngayong alas-5:15 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.
Sa unang laro sa alas-3 ng hapon ay maglalaban ang Kia Sorento, nasa kanilang limang sunod na kamalasan at ang wala pang natitikmang panalong Barako Bull. (RC)
- Latest