Lucky Girl nagpasikat; La Peregrina ‘di nagpatalo

MANILA, Philippines - Naipakita ng Lucky Girl ang itinatagong ga­ling habang pinangatawanan ng La Peregrina ang pagiging patok sa nilahukang karera na nangyari noong Huwebes ng gabi sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.

Sa isang 2YO Maiden A & C sa 1,300-metro ginawa ang karera at ang napaboran ay ang Spartan ni Pat Dilema ngunit maganda ang alis ng Lucky Girl na diniskartehan ni Rodeo Fernandez.

Nakalayo ang nangu­ngunang kabayo nang hanggang tatlong  dipang agwat sa mga naghahabol sa pagsapit ng tres-octavo at kahit nagpilit ang Spartan at Princess Tin na rumemate ay sapat ang naipundar na agwat ng Lucky Girl para makuha ang panalo.

Unang panalo ito ng kabayo matapos ang dalawang sunod na ikalimang puwestong pagtatapos sa pagdadala ni Karvin Malapira.

Ang Princess Tin ang nakaungos sa Spartan para sa ikalawang puwesto.

May P9.50 ang ibi­nigay sa win habang dehado pa ang Princess Tin upang magkaroon ng P95.50 ang 3-2 forecast.

Tulad ng inaasahan sa isang banderista, agad na kinuha ng La Peregrina ang liderato sa pagbukas ng aparato.

Ang Madam Butterfly at Prime Time ay tumutok agad pero buung-buo ang La Peregrina na iniwan ang mga katunggali sa rekta tungo sa halos anim na dipang agwat na panalo.

Si Christian Garganta ang sakay ng tatlong taong filly na pag-aari ng Jade Bros. Farm at top choice sa 3YO Maiden A-B-C.

May P6.50  pa ang ibinigay sa win habang ang pagsegundo ng Milady’s Luck ay naghatid ng P10.50 sa 5-4 forecast.

Ang gabi ay dinomina ng mga paboritong kabayo pero nakasingit ang Psst Taxi na nakasilat sa race five na isang class division 1 race.

Pinalad ang Psst Taxi na dala ni JPE Villanueva na nasa balya ito upang maunang  ilusot ang ilong sa Trip To Heaven sa isang photo finish race.

Naunang naglaban sa unahan ang Silver Screen at Bull Session pero sa rekta ay bumulusok ang Psst Taxi na unang nalagay sa ikaapat na puwesto sa limang kumarera.

Mainit na rin ang Trip To Heaven ni Kevin Abobo at siyang paborito sa karera at halos sabay na tumawid ang dalawa. Matapos ang review sa karera ay nakitang nakauna ang Psst Taxi para makapaghatid ito ng P27.00 sa win habang ang 5-2 forecast ay may P54.00 na ipinamahagi. (AT)

Show comments