MANILA, Philippines - May mga pagkakamali ang Petron sa huling bahagi ng labanan ngunit hindi ito naging hadlang para kunin ang 25-18, 25-12, 18-25, 16-25, 16-14 panalo kontra sa Cignal kahapon sa 2014 Phi-lippine Superliga Grand Prix na handog ng Asics sa Cuneta Astrodome.
Dahil malayo sa pamatay na porma si import Alaina Bergsma, sinamantala ni Dindin Santiago ang pagkakataon para pangunahan ang Blaze Spikers na nanatiling walang talo sa women’s division ng inter-club tournament na inorgnaisa ng Sports Core katulong ang Air21, My Phone, Via Mare, Mikasa, Mueller Sports Medicine, Healthway Medical, Generika Drugstore, LGR at Jinling Sports bilang technical partners.
Nagdeliber si Santiago ng 18 kills, dalawang blocks at tatlong aces para sa kabuuang 23 points habang nagsumite sina Carmina Aganon at Frances Molina ng tig-16 puntos para sa Petron na nalagay sa alanganin nang maghabol ang Cignal sa third at fourth sets bago nagbanta ng upset sa deciding set.
Nagawang itabla ng HD Spikers ang score sa 14-all sa fifth set, ngunit na-kagawa si Cherry May Vivas ng crucial service error bago ang attack error ni Lindsay Stalzer na tuluyang nagkaloob sa Blaze Spikers ng panalo.
“Today, our will to win was tested,” sabi ni Petron coach George Pascua. “Cignal is a tough team. We were expecting this game to go down the wire. We had trouble with our reception and committed a lot of errors. I’m glad we regained our composure in the fifth set to clinch this victory.”
Tumapos lamang si Bergsma ng 15 points habang ang kapwa niya import na si Erica Adachi ay may 57 excellent sets upang itulak ang Cignal sa ikatlong talo matapos ang 6-laro.
“We’re now 6-0 and it’s a pretty big responsibility on our part,” ani Pascua. “We have to bring our A-game in the next few games.”