Petron didiretso sa 6-0

MANILA, Philippines - Itataya ng Petron ang kanilang malinis na record sa pagsagupa sa Cignal kasabay ng patuloy na pagdomina sa women’s division ng 2014 Philippine Superliga Grand Prix na inihahandog ng Asics ngayon sa Cuneta Astrodome.

Lalabanan ng Blaze Spikers ang HD Spikers sa ganap na alas-2 ng hapon kasunod ang banggaan ng Foton Tornadoes at ng Generika Life Savers sa alas-4 sa inter-club tournament na inorganisa ng Sports Core katuwang ang Air21, My Phone, Via Mare, Mikasa, Mueller Sports Medicine, Healthway Medical, Generika Drugstore, LGR at Jinling Sports bilang technical partners.

Dadalhin ang mga aksyon sa Muntinlupa at Biñan, Laguna sa susunod na linggo bago itakda ang finals sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan sa Nobyembre 30.

Sa likod nina imports Alaina Bergsma at Erica Adachi katuwang si Dindin Santiago, tatargetin ng Petron ang kanilang pang-anim na sunod na panalo kontra sa Cignal.

Sa ikalawang laro, sasandalan ng Foton ang kanilang 25-23, 25-22, 25-13 panalo laban sa Mane ‘N Tail sa pagsagupa sa Generika, ginitla naman ang Cignal, 25-23, 25-18, 25-20 sa kanilang huling laro.

Muling ibabandera ng Tornadoes sina Russian imports Irina at Elena Tarasova katuwang si top local scorer sa Dzi Gervacio ng Ateneo katapat sina Japanese setter Miyu Shinohara at Russian attacker Natalia Korobkova ng Life Savers.

Maliban kay Korobkova, aasahan din ng Generika sina Aby Maraño, Stephanie Mercado at Cha Cruz, nagtala ng pinagsamang 22 points sa kanilang panalo sa Cignal.

Sa men’s division, pupuntiryahin ng HD Spikers ang pagwalis sa classification round sa pagharap sa PLDT-Air Force sa alas-6 ng gabi.

 

Show comments