MANILA, Philippines - Ang patuloy na paghawak sa solong ikalawang puwesto ang hangad ng Cignal sa pagsagupa sa Generika habang target ng Mane ‘N Tail ang kanilang ikalawang sunod na panalo.
Lalabanan ng HD Spikers ang Life Savers nga-yong alas-2 ng hapon kasunod ang banggaan ng Lady Stallions at ng Foton Tornadoes sa alas-4 sa women’s division ng 2014 Philippine Superliga Grand Prix na inihahandog ng Asics sa Cuneta Astrodome.
Sa tulong nina American import Alaina Bergsma at Brazilian setter Erica Adachi, winalis ng Petron Blaze Spikers ang first round sa kanilang malinis na 5-0 record.
Manggagaling naman ang Cignal, nasa ikala-wang puwesto, sa straight-set win laban sa Foton sa kanilang pakikipagharap sa Generika.
Muling aasa si HD Spikers’ head coach Sammy Acaylar kina American imports Lindsay Stalzer at Sarah Ammerman katuwang sina local hitters Royse Tubino, Michiko Castañeda at Aby Praca.
Nanggaling naman ang Life Savers sa 22-25, 15-25, 21-25 kabiguan sa Lady Stallions sa kanilang huling laro sa inter-club tournament na inorganisa ng Sports Core katuwang ang Air21, My Phone, Via Mare, Mikasa, Mueller Sports Medicine, Healthway Medical, Generika Drugstore, LGR at Jinling Sports bilang technical partners.
Sa ikalawang laro, pipilitin ng Mane ‘N Tail na duplikahin ang kanilang 25-22, 17-25, 22-25, 25-18, 15-6 paggupo sa Foton sa una nilang paghaharap.
Sa nasabing panalo ng Lady Stallions ay nagtala si American import Kristy Jaeckel ng league-high na 40 points.
Sina local hitters Ivy Remulla, Dzi Gervacio at setter Rubie de Leon kasama sina Russian imports Irina at Elena Tarasova ang muling sasandigan ng Tornadoes.
Sa alas-6 ng gabi ay magtatapat ang Bench-Systema ni actor-sportsman Richard Gomez at ang Cavite sa men’s division ng torneo.