Rockets nakatikim ng talo sa Warriors

HOUSTON – Tumikada si guard Stephen Curry ng 34 points at 10 rebounds para bandera-han ang Golden State Warriors sa panalo laban sa Houston Rockets, 98-87 sa sagupaan ng dalawang koponang wala pang talo.

Naglaro ang Houston nang wala sina center Dwight Howard na may sakit at power forward Terrence Jones (gasgas sa kanang binti) kaya naging magaan para sa Golden State ang laban.

Dinomina ng Warriors ang Rockets sa shaded lane, 56-32 para sa kanilang 5-0 record na kauna-unahan matapos noong 1994-95 season kung kailan tumapos ang Golden State na may 26-56 baraha sa ilalim ni coach Don Nelson.

Humakot si Warriors center Andrew Bogut ng 18 rebounds dahil sa hindi paglalaro ni Howard sa panig ng Rockets.

Nagtala si Curry ng 6- for-9 shooting sa 3-point range at naglista rin ng 5 assists at 4 steals, habang nagdagdag si Andre Iguodala ng 15 points kasunod ang 14 ni Draymond Green.

Pinamunuan ni James Harden ang Houston sa kanyang 22 points, habang may 21 si point guard Isaiah Canaan.

Naglaro nang wala ang kanilang dalawang starting big men, nag-attempt ang Rockets ng season-high na 42 3-pointers kung saan 10 lamang ang kanilang naipasok.

Sa Miami, kumolekta si Dwyane Wade ng 25 points at 8 assists at nag-ambag si Chris Bosh ng 24 markers para igiya ang Heat sa 102-92 panalo kontra sa Minnesota.

Nagdagdag si Luol Deng ng 14 points at may 11 si Norris Cole para sa Miami na bumangon mula sa 2-sunod na talo.

Tumapos naman si Nikola Pekovic na may 19 points at 11 rebounds sa panig ng Timberwolves, natanggap ang ulat na hindi na makakalaro si point guard Ricky Rubio bunga ng sprained left ankle.

Kaugnay nito, inasa-han na ni Minnesota coach Flip Saunders na malubha ang injury ni Rubio at wala pang katiyakan kung kailan uli makakalaro ito.

Napatunayan sa MRI na may strained ankle injury si Rubio.

Show comments