MANILA, Philippines – Kahit anong oras ay handang sagupain ni American challenger Chris Algieri si Manny Pacquiao.
Ipinakita ni Algieri ang kanyang kahandaan matapos ang huli niyang public workout sa The Venetian sa Las Vegas, Nevada bago magtungo sa Macau, China sa Miyerkules para sa kanilang upakan ni Pacquiao sa Nobyembre 23.
“Today’s final media workout prior to heading off to Macau was the best yet! Great turnout and awesome,” wika ng 5-foot-10 na si Algieri sa kanyang Twitter at Instagram account na @ChrisAlgieri.
Nasa magandang kondisyon na ang 30-an-yos na si Algieri (20-0-0, 8 KOs) para sa kanyang paghahamon sa suot na World Boxing Organization (WBO) welterweight crown ng 35-anyos na si Pacquiao (56-5-3, 38 KOs).
Kamakalawa ay 13 rounds na sparring ang ginawa ni Algieri laban sa tatlong sparmates, kasama dito si dating world champion Zab Judah.
Sa kanyang training camp naman sa General Santos City ay ilang beses napuruhan ng 5’6 na si Pacquiao ang kanyang mga sparring partners na sina 5’11 Viktor Postol (26-0-0, 11 KOs), 5’9 Mike Jones (26-2-0, 19 KOs) at 5’10 Stan “The Man” Martyniouk (13-2-0, 2 KOs).
Napadugo ni Pacquiao ang ilong ni Postol sa isa nilang sparring session, habang napabagsak niya si Martyniouk noong Huwebes.
Kumpiyansa si chief trainer Freddie Roach na kayang pabagsakin ni Pacquiao si Algieri, sinasabing nakilala lamang dahil sa kanyang split decision win kay dating world light welterweight titlist Ruslan Provodnikov noong Hunyo. Si Provodnikov ay da-ting sparmate ni Pacquiao nang labanan si Timothy Bradley, Jr. noong Hunyo ng 2012. (RC)