OKLAHOMA CITY – Sinamantala ang pag-upo nina injured stars Kevin Durant at Russell Westbrook, tinalo ng Memphis Grizzlies ang Oklahoma City Thunder, 91-89, para sa kanilang ikaanim na sunod na panalo.
Naimintis ni Serge Ibaka ang isa sanang game-winning 3-pointer sa pagtunog ng final buzzer para sa huling posesyon ng Thunder.
Bagama’t wala sina Durant at Westbrook, inasahan na ng Grizzlies ang matinding laban.
“It’s just the OKC-Memphis rivalry,” sabi ni guard Mike Conley, pinamunuan ang Grizzlies mula sa kanyang 20 points.
Ang tres ni Conley sa huling 38.3 segundo ang nagbigay ng bentahe sa Memphis patungo sa paglusot sa Oklahoma City.
Nagkaroon ng pagkakataon ang Thunder na maagaw ang unahan subalit natawagan sila ng five-second violation sa natitirang 5.9 segundo.
Binigyan ng foul ng Oklahoma City si Memphis’ guard Courtney Lee na tumipa ng isang free throw sa huling 2.4 segundo.
Naglista si Lee ng 17 points kasunod ang 16 ni Zach Randolph para sa Grizzlies.
Gumawa si Reggie Jackson ng 22 points, 8 assists at 7 rebounds, habang si Jeremy Lamb ay nagdagdag ng 17 points kasunod ang 16 ni Ibaka at 13 ni Steven Adams sa panig ng Thunder.
Sa Charlotte, sa nalalabing 2.7 segundo sa ikalawang overtime at tabla ang laro, ipinasa ni Lance Stephenson ang inbound kay Marvin Williams.
Ibinalik ni Williams ang bola kay Stephenson na tumirada ng 33-foot jumper sa pagtunog ng final buzzer para itakas ang Hornets kontra sa Atlanta Hawks, 122-119.
Ipinagdiwang ni Stephenson, naglaro sa loob ng 47 minuto, ang panalo sa pamamagitan ng paglundag sa scorer’s table at tinambol ang kanyang dibdib.
Isinumite ni Stephenson ang kanyang unang double-double para sa Hornets mula sa 17 points at 13 rebounds niya.