MANILA, Philippines - Walong kabayo pero lima lang ang opisyal na bilang ang magsusukatan sa Linggo sa paglarga ng Philippine Thoroughbred Owners and Breeders’ Organization (Philtobo) 2YO Training Sale Graduate Stakes sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Mangunguna sa mga nagpatala sa karerang paglalabanan sa 1,400-metro distansya ay ang lahok ng SC Stockfarm Cat Express at Jebel Ali na galing sa magagandang panalo sa huling takbo.
Si CV Garganta ang gagabay sa Cat Express habang si Jonathan Hernandez ang didiskarte sa Jebel Ali.
Ang iba pang coupled entries ay ang Valley Ridge (FM Raquel Jr.) at Dolce Ballerina (KB Abobo) bukod pa sa Bangkal Too (CM Pilapil) at Tejeros (MA Alvarez).
Kukumpletuhin ang mga maglalaban-laban ng Air Control at Thermal Break. Si Claro Pare ang hinete ng Thermal Break habang unang itinalaga si LT Cuadra Jr. sa Air Control pero papalitan matapos ang aksidenteng nangyari sa nasabing hinete.
Sinahugan ng nagpatakbong Philtobo ng P1.1 milyong gantimpala ang karera para matiyak na palaban lahat ng tatakbo at halagang P1 milyon ang mapupunta sa mananalong kabayo.
Ang Cat Express ang inaasahang mapapaboran matapos magwagi sa juvenile colts sa isinagawang Klub Don Juan Racing Festival noong nakaraang buwan.
Sa kabilang banda, ang Jebel Ali ay nanaig sa Icon sa isang 2-year old race noong Oktubre 19 sa bakuran ng Manila Jockey Club Inc.
Sa nasabing araw din ay nagpasikat ang Air Control na lahok ni Felizardo Sevilla Jr. habang ang Valley Ridge ay nangibabaw sa Wind Factor noong Oktubre 28 para asahan na maging palaban din sa karera. (AT)