Napabayaang rookie

Gaya ng hindi niya pagpapalusot sa kalokohan ni PBA D-League coach Lawrence Chongson, inaasahang hindi rin papalagpasin ni PBA commissioner Chito Salud ang kaso ni Kia forward Chad Alonzo.

Bago ma-print ang column na ito, malamang na may hatol na si Kume kay Alonzo na nakalusot na wala man lang tawag na “flagrant foul penalty 1” sa kanyang kasalbahihan kay Globalport rookie Anthony Semerad.

Sa slow-motion video replay, makikitang ‘di bababa sa apat na upak ang inabot ni Semerad kay Alonzo. Ang masakit nito, double technical foul ang itinawag ng mga referees. At ang mas malupit, huli ng camera ang nakakainis na pagngisi ni Alonzo habang iniyayabang sa katabi sa bench ang mga banat na ibinigay niya kay Semerad.

Nakakasiguro akong may kalalagyan si Alonzo kay Kume.

Ang tanong ng isang katoto sa PBA press room, bakit nakarami si Alonzo kay Semerad?

“Walang umalalay na kakampi sa kanilang roo-kie. Sa Rain or Shine n’ya ginawa ‘yon, malamang binawian siya,” sabi ng ating katoto.

Kita kong malapit si Kelly Nabong sa insidente. Kita ko rin na huminto siya sa pag-sprint nang makita ang eksena. Ang hindi ko na nakita ay kung ano ang kanyang ginawa bilang pinakamalapit na teammate ni Semerad.

Di ko hinahanap na harapin ni Nabong si Alonzo. Ang depensa sa kanilang rookie ang maganda sanang nakita.

***

Naalala ko tuloy bigla ang insidente sa labanang Gilas Pilipinas-Greece sa nakaraang FIBA World Cup sa Spain.

Walang umiwan kay coach Chot Reyes nang kanyang kinuwestiyon ang Greece coach kung bakit kailangan pa nilang umiskor sa mga huling yugto ng laro gayong plantsado na ang resulta ng laro.

‘Di alintana ng Gilas team kung tama o mali ang kanilang coach. Lahat ay dumepensa kay coach Chot sa komprontasyon sa gitna ng hard court.

Of course, ibang isyu ang angal ni coach Chot noon. Maliwanag naman na quotient system ang nasa isip ng mga Griyego noon. Parehong bagay ang nagtulak kay coach Chot upang utusan ang kanyang team na mag-shoot sa basket ng kalaban sa Gilas-Kazakhstan match sa Asian Games.

Show comments