SALT LAKE CITY -- Isinalpak ni Gordon Hayward ang kanyang step-back jumper sa pagtunog ng final buzzer para igiya ang Utah Jazz sa 102-100 panalo laban sa Cleveland Cavaliers ni LeBron James.
Nakawala si Hayward, tumapos na may 21 points, mula sa depensa ni James para makuha ang inbounds pass kasunod ang pagkonekta sa kanyang 21-foot jump shot.
Pinagkaguluhan ang forward ng kanyang mga Jazz teammates na tila isang eksena sa college tournament game.
Nagtala si Derrick Favors ng 21 points at 10 rebounds ngunit kinaila-ngan ng Jazz na malampasan ang pagbibida ni James na umiskor ng 31 points para sa Cavaliers.
Nagsalpak si James ng 3-point shot para ilapit ang Cleveland sa huling 17 segundo.
Tatlong free throws pa ang ginawa ni James mula sa foul ni Favors sa 3-point area para itabla ang laro sa 100-100 sa natitirang 3.4 segundo.
Kumamada si Kyrie Irving ng 34 points habang may 14 si Kevin Love para sa Cavaliers na nalasap ang kanilang ikalawang sunod na kabiguan.
Hawak ng Jazz ang kalamangan sa kabuuan ng laro at nakapagtala ng 16-point lead hanggang sa fourth quarter.
Ibinigay naman ni Irving ang 89-86 bentahe sa Cleveland nang kanyang selyuhan ang 14-6 atake sa 4:43 minuto ng laro.
Muling naagaw ng Utah ang unahan sa 93-89 mula sa tres ni Trevor Booker kasunod ang kanyang flagrant-1 foul kay Love.
Napasakamay ng Jazz ang 96-90 kalamangan matapos ang split ni Favors bago umiskor sina Irving at Tristan Thompson para sa 94-96 agwat ng Cavaliers.