Gogosnakegosnakego nagdomina sa Handicap Race
MANILA, Philippines - Nakuha ng Gogosnakegosnakego ang unang panalo sa buwan ng Nobyembre nang dominahin ang karerang nilahukan noong Martes ng gabi sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Full gate ang Handicap Race 1 na pinaglabanan sa 1,000-metro distansya at nakaremate ang kabayong sakay ni RO Niu Jr. para masundan ang huling panalo na naitala noong Oktubre 25 sa nasabing race track.
Ang limang taong kabayo na may lahing Ecstatic at Blue Lace Dress ay nadehado pa sa karera para makapaghatid ng P21.50 sa win.
Pumangalawa ang Bliss para sa 13-9 forecast na may P255.50 dibidendo.
Pinangatawanan naman ng Akire Onileva ang pagiging patok sa Handicap Race 4 nang pangunahan ang karera mula simula hanggang sa matapos ito.
Si JV Ponce ang sumakay sa limang taong filly na may lahing Ultimate Goal at Bright Thunder at sa pagbubukas pa lamang ng aparato ay lumayo agad ang kabayo na tumakbo kasama ang coupled entry na Vini Vidi Vicci.
Nakabawi ang nanalong tambalan mula sa pang-apat na pagtatapos noong Oktubre 31 at halagang P6.00 ang ibinigay sa win habang ang pagsegunda ng Gross Income ay may P58.50 dibidendo sa 4-8 forecast.
Ang pinakadehadong kabayo na nanalo ay ang Chezkas Magic na sinorpresa ang mga nakatunggali sa Handicap Race 3.
Si Rodeo Fernandez pa rin ang gumabay sa kabayo na lumabas ang husay para maisantabi sa ikasiyam na puwestong pagtatapos noong Oktubre 12.
Ang Minotaur na hawak ni RR Camañero, ang pumangalawa sa datingan para magbunga ang desisyong halinhinan ang regular na hinete ng kabayo na si KS Bergancia.
Umabot sa P31.50 ang ibinigay sa win habang ang 10-2 forecast ay may P152.50 dibidendo. (AT)
- Latest