MANILA, Philippines - Sinandalan ng Meralco Bolts ang pagkakaroon ng mga beteranong manlalaro para kunin ang 90-75 panalo sa baguhang NLEX Road Warriors sa PBA Philippine Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Binuksan ni Chris Hodge ang tagisan sa pagtala ng unang anim na puntos bago gumana ang kamay ni Gary David upang matapos ang first half na kampante nang angat ang bataan ni coach Norman Black sa 23 puntos, 52-29.
Tumapos si David taglay ang 23 puntos sa 9-of-19 shooting at 15 rito ay kinamada sa unang 24-minuto ng bakbakan.
May 17 puntos pa si Jared Dillinger na tulad ni David ay naglaro sa Gilas Pilipinas at ang mga starters ng Meralco ay nagtala ng 60-47 bentahe sa katapat sa Road Warriors.
“My veterans played very well,” wika agad ni Black na kinuha ang ikatlong panalo matapos ang apat na laro.
Pambawi rin ito ng koponan sa 64-105 pagkadurog sa kamay ng Alaska Aces noong Oktubre 31.
“Alaska played real-ly well and we played terrible. We tried to keep everything positive even everything around us was negative,” banggit pa ng beteranong coach.
Si David ang positibong senyales ng Meralco nang kumana agad ito ng pitong puntos sa first period para itulak ang koponan sa 25-11 kalamangan.
Lumawig ang bentahe hanggang sa 30 puntos mula sa 3-pointer ng off-the-bench na si Mark Macapagal sa huling 3:37 sa ikatlong yugto.
Nagkumpiyansa ang koponan dahilan upang mapababa ng NLEX ang kalamangan sa 10, 85-75, bago muling nagtrabaho ang Bolts tungo sa tagumpay.
“Our team is a work in progress. It’s gonna be hard work and dedication for us this conference to be able to attain success this time around,” dagdag pa ni Black. (AT)