MANILA, Philippines – Ipinakita ni small forward Calvin Abueva ang kanyang bagsik nang tulungan ang Alaska sa tatlong sunod na pamamayagpag sa 2014-2015 PBA Philippine Cup.
Sa 100-98 come-from-behind win ng Aces ay kumolekta ang 6-foot-1 na si Abueva, ang 2012 PBA Rookie of the Year ng 26 points at 22 rebounds kung saan bumangon sila mula sa 18-point deficit sa second half para resbakan ang Talk ‘N Text Tropang Texters.
Hinirang na bayani ang dating NCAA Most Valuable Player matapos isalpak ang kanyang buzzer-beating floater.
Nagtala naman ang tinaguriang “The Beast” ng 10 points, 2 boards at 1 steal sa kanyang 10 minutong paglalaro para sa 105-63 paglampaso ng Alaska sa Meralco.
“Basta nandun pa rin ‘yung pagkakaisa namin sa team, saka gagawin namin ‘yung sinimulan namin this preseason, gusto naming ipagpatuloy,” sabi ng 26-anyos na si Abueva.
Nagposte si Abueva ng mga confe-rence averages na 19.0 points at 9.3 rebounds sa unang tatlong panalo ng Aces para hirangin bilang Accel-PBA Player of the Week.
Unti-unti nang nakikita ang ‘maturity’ ng swingman sa kanyang pangatlong PBA season.
Unang tinalo ng Alaska ang nagdedepensang Purefoods, 93-73 at nakatakdang makipag-agawan ng solong liderato sa San Miguel Beer bukas sa Smart Araneta Coliseum.
Inaasahang makakatuwang ni Abueva sina JVee Casio, Cyrus Baguio, Sonny Thoss, Vic Manuel at Dondon Hontiveros sa pagsagupa ng Aces sa Beermen sa kanilang labanan para sa top spot.