MANILA, Philippines – Naisakatuparan ng Cagayan Valley ang plano na magkaroon ng balanseng atake para igupo ang Philippine Army sa 25-20, 20-25, 25-21, 25-18 sa Game One ng Shakey’s V-League Season 11 Third Conference Finals kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Sina Thai imports Amporn Hyapha at Patcharee Saengmuang ay gumawa ng 17 at 14 puntos at nagsanib sa 29 kills pero naroroon ang suporta ng mga locals para ilapit ng Lady Rising Suns ang sarili sa korona sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at may suporta ng Accel at Mikasa.
Nakitaan naman ng matinding determinasyon ang Systema Active Smashers para talunin ang Instituto Estetico Manila Volley Masters, 21-25, 23-25, 25-19, 25-23, 16-14, sa men’s finals sa unang laro.
Isinantabi ang mahinang panimula, bumangon ang Active Smashers mula sa match point at sinandalan ang galing ni Sylvester Honrade para ilapit ang sarili sa isang panalo tungo sa kampeonato sa liga.
Sina Honrade at Chris Macasaet ay nagsanib sa 9 blocks tungo sa 14 at 13 puntos, ayon sa pagkakasunod, habang sina Patrick John Rojas at Angelo Espiritu ay may 15 at may 10 pa si Christopher Antonio.
Samantala, sina Jeffrey Jimenez at Aiza Maizo-Pontillas ang kinilala bilang MVP ng torneo.
Ang iba pang pinarangalan ay sina Salvador Depante at Aiza Maizo-Pontillas bilang Best Scorer, sina Jimenez at Jovelyn Gonzaga bilang Best Spikers, Honrade at Aby Maraño bilang Best Blockers, Joshua Barrica at Chi Saet bilang Best Servers, Renz Ordoñez at Ruby De Leon bilang Best Setters, Kenneth Bayking at Lizlee Ann Pantone bilang Best Diggers. (AT)