Thompson sinapawan si Bryant para sa Warriors
OAKLAND, Calif. – Ipinagdiwang ni Klay Thompson ang kanyang malaking payday sa pamamagitan ng isang breakout performance laban sa player na kanyang iniidolo habang lumalaki sa Southern California.
Umiskor si Thompson ng career-high na 41 points sa kanyang unang laro simula nang pumirma ng contract extension at nakipagtambal kay backcourt star Stephen Curry para igiya ang Golden State Warriors sa 127-104 panalo kontra kay Kobe Bryant at sa Los Angeles Lakers.
“I’m not going to lie, it’s a great feat,” wika ni Thompson. “It’s something I’ll look back on one day and say, ‘That’s cool.’”
Tumipa si Thompson, lumagda sa isang four-year maximum extension na nagkakahalaga ng $70 milyon noong Biyernes, ng 14-for-18 fieldgoal shooting.
Nagdagdag si Curry ng 31 points at 10 assists at nalampasan ng Warriors ang magandang laro ni Bryant sa sellout crowd na 19,596.
Humugot si Bryant ng 19 sa kanyang 28 points sa third quarter at halos dalhin sa kanilang unang panalo ang Lakers.
Ngunit nilimita ni Thompson si Bryant sa one point sa final quarter.
Ito ang unang pagkakataon na nahulog sa 0-4 ang Lakers sapul noong 1957-58 season.
Sa Philadelphia, nagtala si Chris Bosh ng 30 points at 8 rebounds at may 20 markers si Mario Chalmers para banderahan ang Miami Heat sa 114-96 panalo laban sa Philadelphia 76ers.
Nagdagdag si Dwyane Wade ng 9 points at 10 assists para sa ikalawang panalo ng Heat.
Sa Charlotte, tumipa si Marc Gasol ng 22 points, habang nag-ambag si Zach Randolph ng 12 points at 12 rebounds para ibigay sa Memphis Grizzlies ang 71-69 panalo laban sa Hornets para sa kanilang 3-0 kartada.
- Latest