Lady Troopers, Rising Suns mag-aagawan sa 1-0 lead
MANILA, Philippines – Dahil mas malaki ang nakataya ngayon kaya’t asahan ang mas maaksyon at mas kapana-panabik na laro mula sa hanay ng Army Lady Troopers at Cagayan Valley Lady Rising Suns sa pagsisimula ng best-of-three finals sa Shakey’s V-League Season 11 Third confence sa The Arena sa San Juan City.
Ang Game One sa pagitan ng Army kontra Cagayan ay sa alas-4 ng hapon matapos ang salpukan ng Instituto Estetico Manila at Systema Active Smashers sa men’s finals sa alas-2.
Hindi pa nakakatikim ng pagkatalo ang Lady Troopers matapos ang anim na laro at kasama sa hiniya ng koponan ni coach Rico de Guzman ay ang Lady Rising Suns sa larong umabot sa five sets.
Walang import na kumakampanya ang Open Conference champion na Army pero solido ang lineup dahil bukod sa pagpapanatili sa mga kamador na sina Jovelyn Gonzaga, Rachel Ann Daquis, Mary Jean Balse, Nerissa Bautista at Tina Salak ay nasa koponan na rin ang mahuhusay na sina Dindin Santiago at Carmina Aganon.
Pero asahan na ibayong laro ang maipapakita ng tropa ni coach Nestor Pamilar na nais bawian ang Army matapos agawin ang korona sa Cagayan sa nakalipas na conference.
Pinalakas ang Rising Suns ng pagpasok nina Thai imports Saengmuang Patcharee at Hyapha Amporn na parehong matatangkad at mahusay na spikers.
Ang dalawa ay tumipa ng tig-22 puntos sa ikalawang pagkikita pero kinapos pa rin ang Cagayan sa fifth set para lasapin ang 22-25, 24-26, 28-26, 25-23, 13-15 pagkatalo sa Army.
Sasandal pa rin ang Rising Suns sa dalawang imports pero mas titibay ang asam na panalo kung gagana rin ang laro nina Aiza Maizo-Pontillas, Ma. Angeli Tabaquero at Pau Soriano.
Ang papalarin sa larong ito ay puwede nang iuwi ang titulo kung magwagi din sa Game Two sa Nobyembre 9.
Kung magtatabla sa 1-1 ang serye, ang deciding Game Three ay itinakda sa Nobyembre 16.
- Latest