MANILA, Philippines - Asahan na magiging balikatan ang pagtutuos ng Ins-tituto Estetico Manila Volley Masters at Systema Power Smashers para sa kampeonato sa kalalakihan sa Shakey’s V-League Season 11 Third Conference na magsisimula bukas (Linggo) sa The Arena sa San Juan City.
Tinalo ng IEM ang Systema sa kanilang dalawang pagkikita pero hindi garantiya ito na magiging madali ang labanan sa best-of-three series sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s bukod sa ayuda ng Accel at Mikasa.
“Iba ang finals sa elimination round,” wika ni Volley Masters coach Ernesto Balubar. “Ang team na makakayang hawakan ang pressure at magkakaroon ng magandang depensa ang makakalamang.”
Matapos ang anim na laro, ang IEM ang lumabas bilang pinakamahusay sa pag-atake habang best blockers ang Systema.
Gumawa ng 287 spikes sa 737 attempts ang IEM para sa 38.94 success rate upang ilagay ang Systema sa ikalawang puwesto sa 37.25 success rate mula sa 276 spikes sa 741 attempts.
Pumapangalawa ang Systema sa Best Servers sa 1.25 average per set habang ang IEM ang mando sa Best Diggers sa 7.48 average per set.
Sasandal ang Volley Masters sa galing nina Karl dela Calzada, Jeffrey Jimenes at Jason Canlas habang ipantatapat ng Systema sina Angelo Espiritu, Sylvester Honrade at Salvador Depante.
Kasabay ding isasagawa ang championship sa kababaihan na paglalabanan ng Army Lady Troopers at Cagayan Valley Lady Rising Suns.
Ito ang ikalawang sunod na pagkakataon na magtutuos ang dalawa para sa titulo sa liga. (AT)