Anyare kay LeBron? Hiniya ng Knicks

CLEVELAND – Hindi ganun kaganda ang inilaro ni LeBron James. Marami siyang mintis, sablay ang kanyang mga pasa, hirap siya sa laro.

Ang kanyang debut game sa pagbabalik niya sa Cleveland ay palpak.

“I didn’t press,’’ ani James na nagsabi ring hindi naman siya kabado sa kanyang homecoming game. “I didn’t do much.’’

Nahirapan si James sa kanyang unang laro para sa Cavaliers matapos ang apat na taon kaya naman nagkaroon ng pagkakataon ang New York Knicks na sirain ang maganda sanang pagbabalik ni James sa dating team, nang kanilang hatakin ang 95-90 panalo nitong Huwebes ng gabi sa NBA.

Nagbalik si James, tubong Ohio, Cleveland, sa Cavs matapos manalo ng dalawang  NBA titles sa Miami at sa kanyang unang salang, tumapos ito ng 17 points sa 5-of-15 shooting.

Mayroon din siyang 8-turnovers at tila hindi siya naging komportable  sa gabing ang buong lungsod ay nanuod kabilang ang ilang celebrities para ipagdiwang ang kanyang pagbabalik.

 “It was a special night,’’ ani James. “I’m glad it was great, but I’m also glad it’s over.’’

Umiskor si Carmelo Anthony ng 25 points at nagsalpak ng baseline jump shot sa harap ni James sa huling 25 segundo ng laro upang ilagay ang Knicks sa 92-87 kalamangan.

Nagtala si Kyrie Irving ng 22 at nagdagdag si Kevin Love ng 19 points at 14 rebounds para sa Cavs na tila kailangan munang kumain pa ng maraming bigas bago mag-isip na mana-nalo ng titulo.

Sina Iman Shumpert at Jason Smith ay may tig-12 points para sa Knicks na nakabawi sa kanilang nakakahiyang pagkatalo sa sariling balwarte laban sa Chicago noong Miyerkules matapos hiyain ang Cleveland.

Sinalubong si  James ng mahigit 20,000 crowd ng maingay na standing ovation bago ang laro matapos ang matagal na pag-aabang ng kanyang pagbabalik. Marami pang hindi nakapasok sa Quicken Loans Arena dahil ang buong Cleveland ay nag-abang kay James.

 

Show comments