Isang interesting na bagay ang ni-retweet ni PBA chief statistician Fidel Mangonon kahapon tungkol sa paglalaro ni Kevin Garnett ng kanyang ika-20 season sa NBA.
Naging pang-apat na NBA player siya na naka-laro ng at least 20 seasons kasunod nina Kareem Abdul Jabbar, Robert Parish at Kevin Willis.
Kasunod nito, binanggit ni kasamang Fidel ang pag-abot ni Danny Ildefonso sa kanyang ika-17 season sa ating sariling pro league.
Naabot niya ito dahil sa kanyang pagbabalik sa Meralco sa kanilang laban kontra sa Blackwater noong Martes kung saan nagtala siya ng six points, one rebound, one assist at one steal sa 14 minutes na paglalaro.
Pang-walo si Danny I. na nakalaro ng 17 PBA seasons kasunod nina Philip Cezar, Bernie Fabiosa, Terry Saldaña, Alvin Patrimonio, Jerry Codiñera, Nelson Asaytono at Johnny Abarrientos.
Nasa unahan nila sa listahan ng pahabaan ng PBA career sina Robert Jaworski (23 seasons), Abet Guidaben (21), Ramon Fernandez (20), Yoyoy Villamin (18), Abe King (18) at Olsen Racela (18).
Sa loob ng mahabang panahon na paglalaro sa PBA, humugot si Danny I. ng dalawang MVP title at sang-katerba pang ibang awards. Kaya naman walang duda na pangungunahan ng dating pambato ng National U ang labing-limang manlalaro na madadagdag sa PBA Greatest Players na pararangalan sa parating na 40th anniversary ng liga.
Nag-uumapaw ang laman ng resume ng bantog na anak ng Pangasinan na ito – championships won, individual awards at stats.
Kasalukuyang nasa No. 34 sa all-time scoring ladder, nakalinya si Danny I. (7,636) na lampasan sa listahan sina Marlou Aquino (7,802) at Ronnie Magsanoc (7,838).
Sa rebounds, nasa No. 18 ang 1998 Rookie of the Year awardee na may kabuuang 4,226. Medyo kumportable ang lamang sa unahan ng No. 17 na si Dorian Peña at ang No. 16 na si Dennis Espino.
Matatandaang top pick si Ildefonso ng Blackwater sa dispersal draft na ginawa noong offseason sa pagpasok ng dalawang PBA expansion teams.
Malayang nakabalik si Ildefonso sa Meralco matapos bigyan ng release papers ng Blackwater nang hindi sila magkasundo sa pagbuo ng kontrata.
Playing-wise, nais ni Ildefonso na humugot ng huling disenteng season bago tuluyang mamaalam sa paglalaro. Hindi niya nagawa ang mga bagay na ito sa huling dalawang PBA seasons dahil sa injuries.
Noong 2012-13, nagtala lamang siya ng kabuuang 18 puntos at 65 nitong nakaraang season.
Umaasa si Danny I. na malilibre na siya sa injury at magagawa ang nais na swan song sa kanyang career.