Wangs gustong maka-2 sunod

MANILA, Philippines – Solo liderato ang pakay ngayon ng Wangs Basketball habang apat na koponan ang magbubukas ng kanilang kampanya sa pagpapatuloy ng PBA D-League Aspirants’ Cup ngayon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Katipan ng Wangs ang MP Hotel Warriors sa ganap na ika-2 ng hapon at balak na itulad sa kapalarang sinapit ng isa pang baguhang team na AMA University Titans na kanilang dinurog, 96-78 sa pagbubukas ng liga noong Lunes.

Hindi naman papayag ang koponang pag-aari ng pambansang kamao na si Manny Pacquiao na mangyari ito para makabangon din mula sa ‘di magandang 59-86 pagkatalo sa Café France Bakers sa unang bakbakan.

Bago ito ay magtutuos muna ang Cagayan Valley Rising Suns at MJM Builders-FEU sa unang laro sa ganap na ika-12 ng tanghali habang ang huling laro sa triple-header game dakong alas-4 ay sa hanay ng Jumbo Plastic Giants at Bread Story-Lyceum.

Patok ang Cagayan at Jumbo Plastic dahil mas beterano sila kumpara sa mga katunggali na sinusuportahan ang mga collegiate teams ng Far Eastern University at Lyceum University.

Hindi pa masisilayan sa Rising Suns ang number one pick sa rookie draft na si 6’7” Fil-Tongan center Moala Tautuaa dahil kumakampanya pa ito sa ASEAN Basketball League kaya’t iaasa ang hangad na unang panalo sa kamay ng nagbabalik na si Don Trollano at Adrian Celada bukod pa sa mga baguhang sina 6’6” Ivan Hernandez, Michael Mabulac, Gwyne Capacio at John Tayongtong na sariwa sa paglalaro sa collegiate leagues. (AT)

Show comments