NEW YORK – Inihayag ng National Basketball Association (NBA) na may bagong record na 101 international players mula sa 37 bansa ang nasa roster ng iba’t ibang teams para sa 2014-15 season.
Nahigitan ang 92 na bilang ng international players noong nakaraang taon. First time na umabot sa 100 international players.
Ang reigning NBA Champion San Antonio Spurs ang may pinakamaraming foreign player na siyam. Ang Minnesota Timberwolves at Brooklyn Nets ay may tig-anim kasunod ang Golden State Warriors na may lima habang may tig-apat ang Atlanta Hawks, Cleveland Cavaliers, Houston Rockets, Milwaukee Bucks, New York Knicks, Phoenix Suns, Toronto Raptors at Utah Jazz.
Ang Canada ang may record na 12 players sa listahan kasunod ang France na may 10 NBA players habang ang Australia at Brazil ay may walo at pitong players, ayon sa pagkakasunod. Ang Spain ay may limang players.
Noong 1990-91 season ay may 21 international players lamang at dumami noong 2000-01 (45 international players) at lalo nang lumobo ngayon.