MANILA, Philippines – Sasandalan ng Pilipinas ang galing ni Dennis Orcollo sa gaganaping 22nd World Pool Masters sa Portland Centre sa Nottingham mula Nobyembre 14 hanggang 16.
Si Orcollo ang siyang inimbitahan dahil ang naunang sinipat na kumatawan sa Pilipinas na si Francisco ‘Django’ Bustamante ay hindi puwedeng bumiyahe sa ganitong petsa.
Si Bustamante ang una sa talaan na iniimbitahan sa kompetisyon dahil isa siyang two-time champion matapos dominahin ang 1998 at 2001 edisyon.
May karapatan na maimbitahan si Orcollo dahil nagkampeon siya noong 2010 edisyon.
Si Orcollo rin ang nasa ikatlong puwesto sa mo-ney list ng mga mahuhusay na bilyarista sa mundo.
Kumabig na ang tubong Bislig, Surigao del Sur ng $88,575.00 premyo upang mamuro sa posibleng ikaapat na sunod na taon na papasok ang kita ni Orcollo sa $100 libo.
Huling torneo na sinalihan ni Orcollo ay ang katatapos na US Open at minalas ang manlalaro ng Bugsy Promotions sa finals na si kontra sa walang talo at number one sa money list na si Shane Van Boening nang maisuko ang 10-13 iskor.
Halagang $15,000.00 ang naipasok pa rin sa kaban-yaman ni Orcollo kahit pumangalawa lang.
Ang nangungunang 16 bilyarista sa mundo ang magtatagisan sa taong ito at si Niels Feijen ng Holland ang nagdedepensang kampeon.
Ang tatanghaling kampeon ay mag-uuwi ng $20,000.00. (AT)