MANILA, Philippines – Hindi naitago ni Manny Pacquiao ang kanyang kasiyahan noong Linggo sa Hong Kong kung saan niya pino-promote ang kanilang laban ng Amerikanong si Chris Algieri.
Sa report ni Unus Alladin ng South China Morning Post Hong Kong, sinabi ni Pacquiao na nagulat siya sa dami ng mga sumalubong na fans sa kanya.
“I didn’t expect this kind of reception. I was overwhelmed. I didn’t expect to see so many Filipinos in the streets. They were screaming. It was quite an experience,” wika ng boxing icon, halos 10 minuto ang itinagal sa Statue Square.
Nasa Hong Kong ang malaking bilang ng Filipino population at ilang daan ang nagtungo sa Statue Square para makita si Pacquiao na sinamahan nina chief trainer Freddie Roach at promoter Bob Arum.
Nakihalubilo si Pacquiao sa kanyang mga fans at pinagbigyan ang mga nagpalitrato kasama siya.
Matapos ito ay sumakay na siya sa isang limousine papunta sa boat cruise sa Victoria Harbour.
Idineklara ng fighting congressman na handang-handa na siya sa laban nila ni Algieri.
“It’s been good and I’m ready for the fight. I have another four weeks to prepare. There’s nothing to worry about. I’d like to invite everybody to come to the fight,” wika ni Pacquiao.
Inaasahang babalik ang WBO welterweight champion sa General Santos City ngayong linggo para tapusin ang kanyang training.
Lalabanan niya si Algieri sa Cotai Arena ng The Venetian sa Macau, China.