MANILA, Philippines – Dismayado ang kampo ni Klay Thompson dahil hindi sila inaalok ng maximum contract ng Golden State Warriors sa kasalukuyan nilang negosasyon, sabi ng sources sa Yahoo Sports.
Naghahangad si Thompson ng maximum deal na nagkakahalaga ng $15 milyon bawat season.
Pinaganda ng Warriors ang kanilang alok subalit hindi ito full maximum contract para kay Thompson.
Kung hindi magkakasundo sina Thompson at ang Warriors para sa extension pagdating ng Halloween deadline ay magiging restricted free agent ang star guard. Wala pang iniaalok si Warriors owner Joe Lacob na maximum extension, wika ng sources.
Nagtala si Thompson ng mga averages na 18.4 points, 2.8 3-pointers, 3.1 rebounds at 2.2 assists per game sa nakaraang season at may reputasyon bilang malakas na defender. Miyembro siya ng gold-medal winning USA Basketball team sa 2014 World Cup sa Spain.
Inaasahang tatanggap si Thompson ng $3 milyon ngayong season.
Samantala, nakipagkasundo si free-agent forward Malcolm Thomas sa Phi-ladelphia 76ers, sabi ng league sources sa Yahoo Sports.
Si Thomas ay magiging bahagi ng 15-man roster ng 76ers sa opening night.
Sa Cleveland, ginamit ng Cavaliers ang fourth-year contract option kay guard Dion Waiters, isang dating first-round pick na nagkaroon sana ng breakout season para sa bagong opensa ng koponan.
Inaasahang makukuha ng Cavs ang option na nagkakahalaga ng $5.1 milyon mula sa kontrata ni Waiters.
Naglista si Waiters ng average na 15.3 point sa nakaraang season, ngunit hindi makakatanggap ng open shots ngayong magkakasama na sina LeBron James, Kyrie Irving at Kevin Love.
Pinakawalan din ng Cavaliers si forward Shane Edwards at nangangahulugan na kasama na sina point guard A.J. Price, forward Lou Amundson at undrafted rookie center Alex Kirk sa final 15-man roster.
Sa Los Angeles, binitawan ng Clippers si forward Joe Ingles isang buwan matapos siyang papirmahin para bumaba sa 15 players ang roster ng Clippers.
Sa Dallas, inilaglag ng Mavericks sina center Bernard James, forward Ivan Johnson at guard Doron Lamb para makumpleto ang kanilang 15-man roster sa pagsisimula ng season.
Sa Phoenix, ini-waive ng Suns si center Earl Barron.