MANILA, Philippines - Ang pangalawang puwesto ang paglalabanan ng Cagayan Valley Lady Rising Suns at ng PLDT Home Telpad Turbo Boosters sa Shakey’s V-League Season11 Third Conference sa The Arena sa San Juan City.
Magkatabla ang magkabilang koponan sa 2-2 kaya’t ang mananalo sa larong magsisimula sa alas-4 ng hapon ay lalapit din sa isang panalo para okupahan ang ikalawang puwesto sa Finals sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at may ayuda ng Accel at Mikasa.
Unang laro sa ganap na alas-2 ng hapon ay sa hanay ng collegiate teams FEU Tamaraws at Rizal Technological University Blue Thunders sa men’s division.
Okupado na ng Army Lady Troopers ang unang upuan sa championship round matapos ang 25-22, 26-24, 26-28, 23-25, 15-13 panalo sa Cagayan noong nakaraang Huwebes.
Papasok ang Turbo Boosters mula sa 25-20, 25-15, 22-15, 16-25, 17-15 panalo sa Meralco Power Spikers para magkaroon ng momentum at maisantabi ang 17-25, 17-25, 25-27 straight sets loss sa Cagayan.
Sina Sue Roces, Gretchel Soltones, Charo Soriano, Ryzabelle Devanadera at Angela Benting ang mga aasahan sa PLDT, habang sina Thai imports Saengmuang Patcharee at Amporn Hyapha ang magdadala ng laban sa Lady Rising Suns.
Sina Patcharee at Hyapha ay nagtala ng tig-22 puntos sa unang laro ng Cagayan. (ATan)