MANILA, Philippines - Tumapos si Joshua Caracut bitbit ang 30 points para tulungan ang San Beda Red Cubs sa kanilang ikaanim na sunod na NCAA juniors title sa 78-65 overtime win sa kinapos na Mapua Red Robins kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
May 9 rebounds, 1 assist at 1 steal si Caracut, habang si Niko Abatayo ay may 18 rebounds bukod sa 14 points para makumpleto ng Red Cubs ang pagbangon mula sa unang panalo sa kanilang best-of-three series ng Red Robins.
Lumamang sa 59-48 ang Red Cubs papasok sa huling dalawang minuto pero tila nag-relax ang koponan ni coach JB Sison dahilan upang bumangon ang Red Robins at tinapos ang regulation sa 11-0 bomba tungo sa 59-59.
“Akala ko ay tapos na sa regulation pero may mga crucial turnovers kami. Mabuti na lang, we did it the second time,” wika ni Sison.
Huling tabla sa laro ay sa 60-60 bago ibinigay ni Kenneth Louie Alas ang kalamangan sa San Beda sa kanyang jumper bago pinalawig sa tatlo ang bentahe sa dalawang free throws ni Abatayo.
Kasabay ng mga mintis ng Mapua ay ang pagbigay ng mga fouls sa San Beda para kumulekta ang Red Cubs ng 11 points sa charity stripes.
Ang Red Cubs ngayon ang nagmamay-ari ng pinakamahabang championship streak sa liga sa anim at ang ika-21 titulo ang pinakamarami matapos ungusan ang 20 ng Red Robins.
Ito na ang huling taon ni Caracut sa koponan at hinirang na Finals MVP.
Kinumpleto ng Red Cubs ang dominasyon ng San Beda sa basketball event mula sa paghahari ng Red Lions sa men’s division. (ATan)