MANILA, Philippines - Nagpatuloy ang magandang ipinakikita ng kabayong Dream Supreme na sakay ni Dan Camañero nang manalo ang tambalan sa unang takbo ng karera sa bakuran ng San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite noong Huwebes ng gabi.
Mabigat ang laban na hinarap ng nasabing kabayo dahil isang special handicap race sa 1,500-metro distansya ginawa ng tagisan na nilahukan ng anim na iba pang kabayo pero naipakita ng Dream Supreme ang magandang porma para kuminang sa karera.
Napaboran ang Dream Supreme na sinikap ding bigyan ng magandang hamon ng inasahan Favorite Channel na bayang karerista na siyang makakatunggali ng nanalong kabayo.
Si Kevin Abobo ang hinete ng nasabing kabayo pero tila napahirapan ito sa ipinataw na pinakamabigat na handicap weight na 57 kilos para malagay sa ikalawang puwesto sa datingan.
Nagpamahagi ang win ng Dream Supreme ng P5.50 habang ang forecast na 5-3 ay mayroong P11.50 dibidendo.
Gabi ng mga paboritong kabayo ang naganap at isa pa sa nagpasikat ay ang Jade Jewel sa race one na isang class division 2 race.
Naunang nalagay sa ikalimang puwesto sa alisan ang limang taong colt na pag-aari ng Jade Bros Farm at diniskartehan ni JPA Guce pero noong nag-init na ay hinataw ang pista.
Dumaan ang kabayong may lahing Values Plus at Royal Rossana sa gitna ng Handog at Angel of Mercy para kunin ang liderato papasok sa huling kurbada.
Nagbalikatan ang Jade Jewel at Handog na diniskartehan ni CS Pare Jr. sa rekta pero napanatili ng una ang kalahating agwat sa huli hanggang sa tawirin ang meta.
Hinigitan ng Jade Jewel ang pangalawang puwestong pagtatapos noong Oktubre 19 para makapagpasok ng P7.00 habang ang 9-4 forecast ay nagpamahagi ng P50.00.
Ang nakapanggulat na kabayo ay ang Topnotcher sa pagdiskarte ni Jaw Saulog sa isang class division 1 race.
Naglaban ang mga di napaborang kabayo na Topnotcher at Director’s Diva ni RH Silva dahil hindi nakaporma ang napaborang Apo sa karera.
Nasa P46.50 ang ibinigay sa win habang umabot sa P821.00 ang dibidendo sa 8-4. (AT)