MANILA, Philippines - Pinangatawanan ng kabayong Kanlaon ang pagi-ging paborito sa nilahukang karera para pangunahan ang mga nanalo noong Miyerkules ng gabi sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas.
Isang 1,400-metro karera ang sinalihan ng Kanlaon at pinakilos ni jockey Val Dilema ang sakay na kabayo papasok sa far turn.
Nilampasan ng Kanlaon ang mga nangungunang Amberdini at Señor Vito para idiretso ang pangunguna hanggang sa tawirin ang meta.
Nagbakbakan ang Furniture King at Basic Instinct sa likuran at sinuwerteng nakapagtala ang una ng kalahating dipang panalo sa huli.
Umabot sa 12 kabayo ang naglaban at ang panalo ng Kanlaon ay tila pambawi matapos masilat ng Low Profile sa isinagawang Philracom Chairman’s Cup sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite noong nakaraang buwan.
Balik-taya ang ibinigay sa win (P5.00) habang dehado ang Furniture King para maghatid ng P54.50 ang1-7 forecast.
Ang nakasilat na kabayo sa ikalawa at huling gabi sa ikatlong racing track sa bansa ay ang Overwhelmed sa class division 1A race.
Naunang nagsukatan ang Allbymyself at Security Prince at ang huli na sakay ni JG Serrano ay lumamang ng isang dipa sa katunggali na sakay ni RH Silva.
Pero hindi nila naram-daman ang malakas na pagdating ng Oerwhelmed ni BL Salvador at Lap Of Luxury ni Kevin Abobo.
Ang naghahabol ay dumaan sa gitna ng Allbymyself at Security Prince at nagwagi pa ang Overwhelmed ng halos dalawang agwat sa Lap Of Luxury.
Masayang nagdiwang ang mga nanalig sa ga-ling ng Overwhelmed dahil umabot sa P227.50 ang ibinigay sa win habang ang 3-4 forecast ay mayroong P3,116.50 na ipinamahagi.
Ang iba pang kabayo na nanalo ay ang Eionei-oneione sa race two, Transformer sa race three, Rightsaidfred sa race 4, Facing The Music sa race five, Umbrella Girl sa race six at Special Song sa race 7.