MANILA, Philippines - Sumandal ang Army Lady Troopers sa tibay ni Jovelyn Gonzaga para angkinin ng koponan ang unang puwesto sa championship sa Shakey’s V-League Season 11 Third Conference gamit ang 25-22, 26-24, 26-28, 23-25, 15-13 panalo sa Cagayan Valley Lady Rising Suns kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Ang dalawang koponan ang siyang hinuhulaang maglalaban para sa titulo at ipinakita nila ang magandang porma sa la-rong tila isang championship game.
Pero sa huli, ang championship experience na taglay ng Army ang lumutang para manatiling walang talo matapos ang limang laro at hawakan ang 2-0 karta laban sa Cagayan sa conference na inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at may suporta pa ng Accel at Mikasa.
Nakitang naglaho ang 12-10 kalamangan at nakatabla pa ang Cagayan sa 13-all sa hit ni Angeli Tabaquero, si Gonzaga ang nagpakawala ng matinding crosscourt hit para lumapit sa match point ang Army.
Sa sumunod na tagpo ay nakapagtala ng mahalagang dig si Gonzaga at nagresulta ito sa magandang tip ni Nerissa Bautista para magselebra ang mga panatiko ng Lady Troopers.
Nanguna uli sa koponan si Dindin Santiago sa kanyang 16 kills at tatlong aces tungo sa 20 puntos pero maraming sumuporta sa kanya.
Si Bautista na may 14 kills ay naghatid ng 18, si Carmina Aganon na hindi naglaro sa first set ay mayroong 16 habang sina Tina Salak at Gonzaga ay mayroong 13 at 12 puntos.
Si Gonzaga ay may 9 digs para suportahan ang 12 na ginawa ng liberong si Christine Agno habang may 42 excellent sets si Salak.
Nasayang ang tig-22 hits nina Thai imports Amporn Hyapha at Patcharee Sangmuang dahil sa paglasap ng ikalawang pagkatalo matapos ang apat na laro upang makasalo sa pangalawang puwesto ang pahingang PLDT Home Telpad.