NLEX susubukan ng Talk ‘N Text

MANILA, Philippines - Maaaring matinding kalaban ang tingin ng ibang koponan sa enforcer na si Rico Villanueva.

Ngunit para kay Asi Taulava, isang malaking tulong para sa kanya ang paghugot ng NLEX sa 6-foot-6 na si Villanueva.

Sa 101-96 come-from-behind win ng Road Warriors laban sa Globalport Batang Pier noong Martes ay humakot ang 6’9 na si Taulava ng 23 points,  8 rebounds, 5 assists at 2 shotblocks, habang nagdagdag si Villanueva ng 11 markers.

“He comes in and stabilizes the game for us,” sabi ng 41-anyos na si Taulava kay Villanueva, ilang beses nasangkot sa rambulan sa loob at labas ng hardcourt. “That’s the advantage of having two big guys.”

Target ang liderato, lalabanan ng NLEX ang Talk ‘N Text ngayong alas-4:15 ng hapon kasunod ang laro ng Rain or Shine at Blackwater sa alas-7 ng gabi sa 2014 PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.

Bukod kina Taulava at Villanueva ay aasahan din sina Mac Cardona, Aldrech Ramos at Niño ‘KG’ Canaleta ng Road Warriors na posibleng hawakan na ngayon ni coach Boyet Fernandez matapos ihatid ang San Beda Red Lions sa ‘five-peat’ sa katatapos na 90th NCAA season.

Magpipilit namang bumangon ang Tropang Texters mula sa 81-101 pagyukod sa Ginebra sa pagsisimula ng PBA season noong Oktubre 19.

“Siyempre, nanga-ngapapa pa ako ngayon on who will be more effective in the minutes I’ll be giving,” sabi ni mentor Jong Uichico, ang eight-time PBA champion coach na pumalit kay Norman Black sa bench ng Talk ‘N Text. Ang Grand Slam coach na si Black ay inilipat naman sa Meralco Bolts kapalit ni Ryan Gregorio.

Sa ikalawang laro, mag-uunahang makabawi mula sa kabiguan ang Elasto Painters ni Yeng Guiao at ang Elite ni Leo Isaac.

Natalo ang Rain or Shine sa San Miguel, 79-87, habang tumiklop ang Blackwater sa Kia Sorento, 66-80.

 

Show comments