MANILA, Philippines - Kinumpleto ng San Beda Red Lions ang makulay na kampanya sa 90th NCAA men’s basketball nang angkinin ang ikalimang sunod na titulo sa liga sa 89-70 demolis-yon sa Arellano Chiefs kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ang mga nasa huling taon ng paglalaro na sina Anthony Semerad at Kyle Pascual ang mga nakitaan ng magandang laro lalo na sa huling 10 minuto ng tagisan para ibigay din kay coach Boyet Fernandez ang ikalawang sunod na kampeonato at ika-19 na titulo sa San Beda.
Tumapos si Semerad taglay ang 30 puntos at nilagyan niya ng ningning ang mainit na pagbuslo sa pamamagitan ng 12-of-14 shooting sa 15-foot line sa huling yugto. Isama pa ang 14 na ginawa sa Game One, si Semerad ang ginawaran ng Finals MVP na magandang pabaon sa pag-akyat sa PBA sa koponan ng Globalport.
“This is my last year and I want give everything I got,” wika ni Semerad.
Sa kabilang banda, ang 6’5” na si Pascual na bukod tanging manlalaro sa koponan na kabilang sa limang champion teams ng Beda ay naghatid ng siyam sa kanyang 16 puntos sa last quarter.
Ipinasok si Pascual matapos tawagan ng ikaapat na foul si Ola Adeo-gun at hindi na ibinalik ni Fernandez ang 6’8” center dahil sa ipinakita ng PBA bound na si Pascual.
Naupo man sa bench, malaking papel din ang ginawa ni Adeogun sa panalong ito dahil siya ang kumamada sa ikatlong yugto nang pinahirapan ang Lions ng pressing defense ng Chiefs.
Nakitang natapyasan ang 16 puntos kalamangan (39-23) tungo sa pito, 48-41, si Adeogun ay naghatid ng walong puntos, kasama ang 6-of-6 sa 15-footline, para tulungan ang Lions sa 15-9 palitan at ibalik sa 13 ang bentahe papasok sa huling yugto (63-50).
May 15 puntos, 8 rebounds, 3 blocks at isang assist si Adeogun habang si Arthur dela Cruz ay mayroong 12 puntos.
“This is for the boys. They wanted to win a five-peat, they worked hard for it and they got it,” wika ni Fernandez pinasalamatan din ang Panginoon at ang pangunahing supporter ng San Beda na si businessman/sportsman Manny V. Pangilinan na nanood ng laro.
Hindi man nakaisa sa best-of-three series ay taas-noo din na nilisan ng tropa ni coach Jerry Codiñera ang palaruan lalo pa’t nakagawa rin sila ng kasaysayan para sa Arellano na nakapasok sa Final Four at Finals sa unang pagkakataon sapul nang sumali sa liga noong 2009.
Samantala, binawian ng San Beda Red Cubs ang Mapua Red Robins, 78-68, na nagbunga ng pagtatabla ng kanilang best-of-three series sa 1-1.
Ang deciding game para sa titulo ay magaganap sa Sabado sa MOA sa ganap na alas-2:30 ng hapon. (AT)