MANILA, Philippines - Nagsagawa ang Cignal ng malaking rally sa huling bahagi ng labanan upang igupo ang Mane ‘N Tail, 25-15, 22-25, 25-19, 26-24 para sa maagang pangunguna sa 2014 Philippine Superliga (PSL) Grand Prix na handog ng Asics kahapon sa Cuneta Astrodome.
Sa pagtutulungan nina Lindsay Stalzer and Sarah Ammerman, hindi napigilan ang HD Spikers sa fourth set para mabalewala ang 31-point performance ni Kristy Jaeckel tungo sa kanilang ikalawang panalo sa women’s division ng inter-club tournament na ito na inor-ganisa ng Sports Core sa tulong ng Air 21, My Phone, Via Mare, Mikasa, Mueller Sports Medicine, Healthway Medical, Generika Drugstore, LGR at Jinling Sports bilang technical partners.
Nagdeliber si Stalzer ng 23 kills para tumapos ng 25 points habang si Ammerman ay may 15 hits at 5-aces para maglista ng 22 markers kaya nahirapan ang Lady Stallions.
Sa second game, nagtala ng magaang panalo ang RC Cola-Air Force laban sa Foton, 25-13, 25-20, 25-14, para makapasok sa win column.
Nagposte si Iari Yongco ng12 points habang si Maika Ortiz ay may 11 markers para sa Raiders na naka-bawi sa kanilang opening day loss sa HD Spikers.
Ang 31-point performance ni Jaeckel ang pinakamataas sa torneo matapos ang 37-point ni rookie Dindin Santiago sa kanyang debut noong nakaraang conference. Ngunit nasayang lang ito dahil sa kanilang pagkatalo.
“Medyo nataranta ako nung humabol sila sa fourth set,” sabi ni Cignal coach Sammy Acaylar. “I didn’t expect na ganoon sila kalakas, especially their imports. But we stayed focussed and told my setter not to focus on the open spiker and use more combination plays.”