Turbo Boosters maghahabol
MANILA, Philippines – Kakapit pa ang PLDT Home Telpad Turbo Boosters sa hangaring umabot sa championship sa Shakey’s V-League Season 11 Third Conference sa pagharap uli sa Meralco Power Spikers ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Ang laro ay magsisimula sa ganap na ika-6 ng gabi at ikalawang panalo matapos ang apat na laro ang makukuha ng Turbo Boosters para dumikit uli sa Cagayan Valley Lady Rising Suns na nasa ikalawang puwesto sa 2-1 baraha.
Ang mangungunang dalawang koponan matapos ang double round elimination sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at may ayuda pa ng Accel at Mikasa ang siyang magtutuos sa titulo.
Hindi pa natatalo ang Army Lady Troopers matapos ang apat na laro para mamuro sa unang upuan sa championship round.
Huling pinabagsak ng Open Conference champion Lady Troopers ang Power Spikers noong Linggo ng gabi sa pamamagitan ng 25-23, 23-25, 25-20, 25-19.
Ang pagyuko ng Meralco ay kanilang ikaapat na sunod para malagay ang isang paa sa hukay.
Ngunit may katiting pa silang tsansa na umabante pero kailangan nilang maipanalo ang huling dalawang laro at manalangin na hindi lalagpas sa dalawang panalo ang Cagayan at PLDT.
Bago ito ay magtutuos muna ang Rizal Technological University Blue Thunders at Instituto Estetico Manila Volley Masters sa ganap na ika-4 ng hapon sa men’s division.
Sinorpresa ng collegiate team na RTU ang IEM sa pagtutuos sa first round pero inaasahang mas handa ang huli para makapaghiganti.
May 2-1 karta rin ang Volley Masters at ang makukuhang panalo ay magtutulak sa koponan para makasalo uli sa liderato kasama ang pahingang Systema. (AT)
- Latest